Fr. Manuel M. Flores, SJ
October 19, 1996*
Siguro hindi ito panahon para magsermon. Ang halimbawa ni Richie ay higit sa anumang sermon. Ang gagawin ko ngayon ay magkuwento tungkol sa Richie na nakilala ko. Sa wari ko, wala pa akong nakilala na may tapang katulad ng kay Richie.
Una ko siyang nakilala noong 1986. First year college lang siya. At nasa bus kami noon patungong Tagaytay kung saan bibigyan ko ng retreat ang Gabay, ang grupo na kinabibilangan niya sa Ateneo. Maingay at masaya sa bus noon. Tawanan, kantiyawan, biruan. Madali kong napansin si Richie. Malaki siya, at parang siga. Nangunguna sa kantiyawan, biruan at ingay. Nasa pinakaharap na upuan ako ng bus. Wala akong katabi. Nakikiramdam at takot pa sa akin ang mga estudyante. Mamaya nahihiyang lumapit at umupo sa tabi ko ang siga, parang nag-aalala na kawawa naman akong nag-iisa.
Nagkuwentuhan kami. Napunta ang usapan tungkol sa pagpapari. Tinanong ni Richie kung kailan ako magiging pari. Sinabi ko na ilang buwan na lang bago dumating ang ordinasyon ko. “Malapit ka na palang maging pari,” sabi niya. Biro ko naman, “Ikaw din, hindi ba?” At ang birong iyon ay sineryoso pala ni Richie. Noong seminarista na siya sinabi niya sa mga kasamahan niya na tuwang-tuwa siyang isipin noon na puwede pala siyang maging pari. Talagang mapanganib ang biro. Hindi mo alam kung saan patutungo.
Noong sumunod na taon nagkitang mini kami ni Richie.
Second year college na siya at bagong pari naman ako noon. Naimbitahan akong magmisa sa Ateneo college noong kapistahan ni San Ignacio, isang malaking pagdiriwang. At nakita ko na naman ang siga. Isa siya sa mga sakristan noon, tagahawak ng krus sa prusisyon. Matangkad kasi. Pero parang iba ang kanyang ngiti at tingin. Tingin siya ng tingin. Naaalala ko pa noon ang panimula ng sermon. Nabanggit ko sa mga Atenista na dapat nilang puspos na pasalamatan si San Ignacio. Kung hindi dahil sa kanya ay mangyayari sa kanila ang kakila-kilabot at kahindik-hindik……. lahat sana sila ngayon ay nag-aaral sa La Salle.
Pagkatapos ng Misa hiniling ni Richie kung puwede kaming magkita para sa “spiritual direction.” Pumayag akong susubukan lang namin, hindi pa kasi sigurado kung magkatugma kami ng timpla.
Ang pagsama ko sa paglalakbay espirituwal ni Richie ay parang pagsunod sa isang maliksing usa paakyat ng bundok. Mabilis at malakas ang kanyang pagsulong. Hinihingal ako.
Namangha ako sa mga katangian niya, magaling makisama at kaakit-akit sa tao, matalino ngunit may kapayakan na parang bata, malalim mag-isip ngunit masayang kasama. Napagkuwentuhan namin ang hiwaga ng buhay Heswita — isang kapana-panabik na pakikipagsapalaran. Sabik siyang nakinig tungkol sa mga batang Heswita na umaakyat ng matataas na bundok. Kumislap ang kanyang mga mata. Sekreto kong dinadasal na sana interesadong siyang mag-Heswita.
Ngunit naging mabilis, sobrang bilis ng lahat. Mga ikatlong pagtatagpo pa lamang yata, nang ipahayag niya ang matinding interes na maging paring Heswita. Ayon sa itinuro sa amin sa pagsabay sa mga “nagmamadali,” inapakan ko ang preno. Sinabi ko kay Richie na “Baka lagnat lang iyan. Huwag kang magmadali. Bata ka pa.” Ilang beses ko itong babanggitin sa kanya.
Ngunit naging malinaw sa patuloy ng aming paglalakbay na hindi siya ang nagmamadali. Hindi ito panandaliang lagnat. Nadarama ni Richie ang malakas na hatak at pagtawag ng Diyos. At siya naman ay buong tapang na tumutugon. Isa lang ang kinatatakutan niya – na baka masaktan at magdamdam ang nanay niya kung malalaman ang nabubuo niyang balak.
Patuloy na naging mabilis at matapang ang kanyang paglalakbay. Siya ang pinakabata noon na pumasok sa Arvisu, ang “pre-novitiate” ng mga Heswita. May ibinigay na “spiritual director” sa kanya doon. Ngunit patuloy kaming nagtatagpo. At nakita ang bilis ng kanyang pag-unlad. Walang proseso, walang tanong, walang katotohanan tungkol sa kanyang sarili na kanyang aatrasan. Lahat ng ito, gaano man kahirap, gaano man kasakit, ay hinaharap niya at binabangga ng buong tapang. Nang matanggap si Richie sa “novitiate” sa napakabatang edad na 19 taon, tinanong siya ng novice-master na si Fr. Blanco, “Richie, why are you in a hurry? “ At mabilis siyang tumugon, “Father, I’m not in a hurry. God is the one who is in a hurry for me”.
Dalawang taon akong nawala at nagtrabaho sa Mindanao. Pagbalik ko, minsan ay nagkausap kami. Marami siyang hinaharap noon na mabigat na mabigat; mga dilat na katotohanan tungkol sa sarili at tungkol sa buhay Heswita. Parang pagod siya at hirap. Ngunit naroon pa rin ang tapang. Sinasagupa ang anumang dapat harapin.
Madalang kaming magkita bagama’t parehong nasa Manila. At madalas iyon para uminom sa labas. Pareho kaming bihira uminom, pero enjoy pag kaming dalawa. At nakakatuwa na ilan sa mga pinakamalalim naming usapan ay habang umiinom ng beer sa labas. Nakakatulong pala minsan ang espiritu ni San Miguel. lkinukuwento ni Richie ang tungkol sa mga taong pinaglilingkuran niya, ang mga estudyante sa Ateneo o ang mga mahihirap, ang tungkol sa panalangin, at maging ang pag-aalala niya sa mga kapatid na Heswita. May maga Heswitang hindi napapansin ng kapwa Heswita. Wala pa akong Heswitang nakilala na gayon ang pag-aalala sa kapwa Heswita.
Napupuna ko minsan na parang napakalayo na niya. Nauna na siya sa akin sa paglalakbay patungo sa Diyos. Nagtataka siguro sa amin ang mga katabing mesa. Dalawang machong may hawak na beer, pero pinag-uusapan ay tungkol sa Diyos, mga mahirap, at mga pangarap.
Sa panahong ito napamahal na sa kanya ang pag-akyat ng bundok. Karamihan ng nawiwili dito ay mga magagaan at payat ang katawan. Bagamat mabigat siya, malakas at matiyaga si Richie. Marami na akong naakyat na bundok, ngunit hindi nagtagal nagkukukwento na siya ng mga bundok na hindi ko pa naakyat o naririnig man lang.
Mahusay si Richie at kaakit-akit sa mga tao. Kaya’t madalas siyang maimbita sa kung anu-anong gawain. Sa parokyang pinaglingkuran ko bilang kura paroko, bagamat hindi talaga niya misyon ito, paborito siya ng mga kabataan. Magaling daw kasi at guwapo. May dating. Ang sipag niyang tumugon sa mga tao. Gaya ng lakas, tapang, at tiyaga niya sa pag-akyat sa bundok, gayon din siya maglingkod – buhos, lubos, at ubos.
Hindi ko gaanong nasundan ang proseso ng kanyang pagpunta sa Cambodia, kung paano niya natuklasan na doon siya tinatawag ng Diyos. Ngunit naririnig ko kung paano ibinuhos niya ang kanyang sarili sa pag-aaral ng Khmer, ang salita nila doon na mas mahirap pang matutunan kaysa Intsik. Narinig ko sa isang katulong ng mga Heswita sa Cambodia na si Richie marahil ang pinakamagaling na natuntong sa “language school” doon. Naririnig ko rin kung paano ibinuhos niya ang sarili sa napakaraming responsibilidad at gawain na hindi kakayanin ng normal at mortal na tao. Ang estilo niya sa Cambodia ay gaya ng pag-akyat niya sa bundok: malakas, mahusay, matapang.
Nang una kung marinig kung paano siya namatay, ang pagliligtas niya sa iba, maging sa naghagis ng granada na pumatay sa kanya, para sa akin nabunyag ang hiwaga ni Richie. Sa pagsabog ng granadang iyon, ang iba’t-ibang bahagi ng kanyang pagkatao, ang mga pira-piraso ng kanyang kasaysayan, ay bumuo ng isang maliwanag at nagniningning na larawan.
Kaya pala siya binigyan ng gayong talino, lakas, at sigla.
Kaya pala siya binigyan ng pusong mapagmahal at mapagmalasakit.
Kaya pala maaga siyang tinawag at malakas na inakit ng Diyos na maging Heswita.
Kaya pala siya ipinadala na magmisyon sa Cambodia.
Kaya pala siya binigyan ng pambihirang tapang na makinig at tumugon sa Diyos.
Kaya pala…. sapagkat may inihahanda ang Diyos na kaluwalhatian na walang kapantay sa langit man o sa lupa – ang mag-alay ng buhay katulad ni Hesus upang iligtas ang iba.
Kaya pala!
Sinabi ni San Ignacio sa isang liham: “Iilang tao lamang ang nakakaunawa kung anong kayang gawin sa kanila ng Diyos kung lubusang isusuko lamang nila ang kanilang sarili sa kamay ng Diyos at hayaang hubugin sila ng kanyang biyaya…”
Iilang tao lamang ang may bukod tanging tapang ni Richie, ang tapang na makinig, sumunod at lubusang sumuko sa Diyos.
Richie, mahal naming kapatid, saang mataas na bundok ka man naroon ngayon, ipanalangin mo kami. Hilingin mo na sana, tulad mo, kami man ay bigyan ng tapang na makinig, sumunod, at lubusang sumuko sa kalooban Diyos. Mapabilang nawa kami sa “iilang tao lamang.”
Ama, tulad ni Richie, nawa’y maging matapang kami na “sundin namin ang loob mo, dito sa lupa para ng sa langit.”
*This was originally preached in one of the wake masses for Sch. Richie Fernando, SJ. We are re-posting this homily on the occasion of Richie’s 20th death anniversary.
FrancesTobia on October 17, 2017 AT 08 am
I am now 72 yrs old, a grandmother. But I remember hearing about the story of Richie, his ultimate sacrifice, his total submission to Jesus’ plan for him.
Ang ganda yung homily ni Manuel Flores,S.J. Para sa akin, ito ang portrait ni Richie as the embodiment of Jesus, who gave up His life for us
Comments are closed.