Mateo 8:28-34
Hulyo 1, 2020
Marahil ay naranasan n’yo na, na sa inyong pagbisita sa yumaong mahal sa buhay, lumisan kayo na magaan at panatag ang kalooban? Para bang sa lugar ng mga patay ay meron ding buhay.
Sa Ebanghelyo ngayong araw, ang dalawang lalaking inalihan ng demonyo ay galing sa himlayan o libingan. Bakit kaya sila doon nanggaling? Doon ba sila sinapian? Bakit kaya ang karanasan nila ay ibang-iba sa gaan at panatag na loob na kadalasan ay nararamdaman natin pag tayo ay dumadalaw sa namayapang nating mahal sa buhay?
Sa ating pagninilay, magandang tanungin natin sa dasal: Lumilisan ba ako ng “libingan” ng may kapanatagan ng kalooban o puno ng galit at hinanakit na naglalayo sa tunay na pagka-ako? Saan nagmumula ang kapanatagan? Saan nagmumula ang pagkabahala?
Ang Diyos ay likas na nananahan sa ating puso. Kahit tayo ay parang inaalihan, ang presensya n’yang iyon ang magpipilit na sumigaw at tawagin si Hesus upang tayo maligtas at maging malayang muli. Sa pag-amin at pagtanggap ng ating kalagayan at paglalahad ng lahat ng ito kay Hesus, magmumula ang ating kalayaan at kapanatagan ng ating kalooban.
(A. Endaya)